ROXAS CITY – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang apat na kalalakihan matapos maaresto sa entrapment operation ng mga kasapi ng Estancia Municipal Police Station na nagsasagawa ng extortion activities sa mga sasasakyang pangisda.
Nabatid na nagpakilala pa ang ito na kasapi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine National Police (PNP), Maritime Police, at iba pang law enforcement agency
Kabilang sa mga kaso na isinampa laban sa mga suspek na sina Richard Obidos, Gerald Balasabas, Eldy Bag-ao at Angelico Lapitante Jr., pawang residente ng Masbate ay extortion o pangingikil, usurpation of authorities, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos may narekober na shabu, at paglabag sa 10591 o pagtatago ng mga armas na walang permit.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Police Captain Niño Leonard Amar, hepe ng Estancia-PNP, sinabi nito na matagal na silang nakatanggap ng reklamo sa ginagawang pangingikil ng mga suspek.
Dahil dito ay isinagawa ang entrapment operation ng mga pulis at nagkasundo na sa Poblacion Zone 2, Estancia, Iloilo, magbabayad ang may-ari ng sasasakyangpandagat.
Kumikilos ang grupo sa karagatan ng Masbate, Carles at ilang bahagi ng Visayan Sea.
Narekober sa mga suspek ang boodle money na P62,000, homemade shotgun na may bala, tatlong sachet ng shabu, at cellphone.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng mga pulis ang kulay puti na sasasakyang pandagat na may pangalan na pulis CIDG na siyang ginagamit ng mga suspek sa kanilang pangingikil.