Inilista ng maimpluwensiyang Philippine Business Education (PBEd) ang 4 na nominado para maging susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd).
Sa isang liham noong Hunyo 24 na naka-adress kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilista ni PBEd president Chito Salazar sina Sen. Sonny Angara, Negros Occidental Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at ekonomista at public finance expert na si Milwida “Nene” Guevara ng Synergeia Foundation para maging susunod na kalihim ng Department of Education.
Sa pagrekomenda sa nasabing mga personalidad, binigyang-diin ni Salazar na dapat unahin pagpili ng isang eksperyensado, kwalipikado, may kakayahan at maaasahang kalihim kaysa sa political considerations.
Ang una sa listahan ng PBEd na si Angara ay pinuri ng grupo sa paghahain ng Senate joint resolution na nagtutulak sa pagtatatag ng Second Congressional Commission on Education 2 (Edcom 2).
Si Sec. Gatchalian naman ayon sa PBEd ay may karanasan sa DSWD at bilang dating alkalde ng Valenzuela City ay nagbibigay aniya ito ng kakaibang paraan upang matugunan ang krisis sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng komunidad at local empowerment
Si Benitez naman na dating presidente ng Philippine Women’s University, ay isa rin sa mga komisyoner ng Edcom at isang co-chair ng early childhood care and development at basic education standing committee.
Samantala, inihayag din ng PBEd na ang karanasan naman ni Guevara bilang longtime finance undersecretary noong 1990s ay nagbigay ng kakaibang pananaw pagdating sa reporma sa edukasyon.
Ginawa ng grupo ang naturang listahan ng nominee kasunod ng pagbibitiw ni VP Sara Duterte sa kaniyang Cabinet post na magiging epektibo Hulyo 19.