DAVAO CITY – Naghatid ng malaking karangalan sa buong Davao Region ang apat na mga Higher Education Institutions o HEIs galing sa Davao City na kamakailan lang ay napasama sa Top 100 Universities in The Philippines, ayon sa naging pag-aaral ng Webometrics Rankings nitong Enero 2023.
Sa naturang pag-aantas, nasa ika-28 na pwesto ang Ateneo de Davao University (ADDU); na sinundan ng University of the Philippines – Mindanao (UP-Min) na nasa ika-33; University of Mindanao (UM) ang nasa ika-50 na pwesto; at ika-59 naman ang University of Southeastern Philippines (USEP).
Naging basehan nitong ranking ang tatlong criteria o indicators tulad ng Impact Rank na binubuo ng 50% sa criteria.
Ito ay dahil sa visibility and content impacts ng isang pamantasan na nasukat sa pamamagitan ng external networks na maaring ma-access sa web page ng isang institusyon.
Ikalawa ang Openness Rank na nasa 10% ng criteria na taglay ang number of citations mula sa Top 310 authors mula sa Google Scholar profiles.
Pangatlo at panghuli, ang Excellence Rank na binubuo ng natitirang 40% sa criteria.
Napag-alamang na pinangunahan ng Cybermetics Lab, isang research group sa ilalim ng Consejo Superior de Investigaciones na nakabase sa bansang Espanya ang nagsagawa ng naturang pag-aaral.