LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Corespondent Jun Casabal, Filipino Community Leader sa Tel Aviv, Israel na may apat na Pilipino ang nawawala sa gitna ng nagyayaring kaguluhan partikular sa Gaza kung saan naglalaban ang mga tropa ng Israel at ang Islamist group Hamas.
Umaasa si Casabal na nawalan lamang ng baterya ang cellphone na ginagamit ng mga nawawalang Pilipino o di kaya naman ay nasa bomb shelter lamang ang mga ito kaya hindi nila makontak.
Ayon pay kay Casabal, kilala nila ang mga nawawalang Pilipino pero ayaw muna nilang pangalanan ang mga ito para hindi mag-panic ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Hinggil dito, nangangamba si Casabal na posibleng magtatagal ang giyera sa Israel dahil sa dami na ng mga namatay kung saan ang gagawin ng dalawang grupo ay maghiganti sa isa’t isa.
Dahil dito, umapela si Casabal sa lahat ng mga Pilipino na ipagdasal silang mga Overseas Filipino Worker sa Israel dahil hindi nila alam kung ano ang pwedeng mangyaring sa kanila sa mga susunod na araw.
Samantala, inihayag pa ni Casabal na dahil sa nangyayaring giyera sa Israel kung saan nakapasok na ang Hamas ay nagsara na ang halos lahat ng mga business establishments dahil sa takot na madamay sa kaguluhan.
Dagdag niya na halos naging ghost area na rin ang lugar lalo na sa gabi dahil wala ng makikitang tao at sasakyan na dumadaan.