Inalala at binigyang pugay ng Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at Filipino community ang mga biktima ng October 7 attack ng militanteng Hamas sa Israel na kumitil sa 1,200 Israelis at iba pang mga dayuhan kabilang ang 4 na Pilipino na brutal na pinatay.
Nag-alay ang mga ito ng dasal sa alaala ng 4 na Filipino caregivers na sina Loreta Alacre, Angelyn Aguirre, Grace Cabrera at Paul Vincent Castelvi na pinaslang sa naturang pag-atake na humantong sa pagbihag ng mahigit 250 indibidwal.
Sa isang statement, inihayag ng Embahada na nawa’y maging pagpapala ang kanilang mga ala-ala magpakailanman. Ipagpapatuloy din aniya ng Embahada ang pagpapanawagan para sa pagpapalaya ng nalalabi pang mga bihag, paga-alay din ng comfort sa kanilang mga naulilang pamilya at pagsusulong ng mapayapang resolution sa nagpapatuloy na conflict tungo sa mapayapang rehiyon.
Matatandaan na pinatay ng mga teroristang Hamas ang Pilipino caregivers na sina Aguirre, Cabrera at Castelvi kasama ang kanilang mga pasyente at employers sa Beeri malapit sa Gaza habang si Alacre naman ay napatay habang nasa music festival malapit sa Gaza strip.