Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na kabilang sa 25 crew ang 4 na Pilipinong seaferers sa lulan ng container ship na MSC Aries na sinalakay ng Iranian authorities noong Sabado.
Ayon kay DMW OIC Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na sila sa mga pamilya ng 4 na Pilipinong seaferers alinsunod sa naging direktiba ni PBBM at tiniyak ang pagbibigay ng buong suporta at tulong mula sa pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa licensed manning agency, ship manager at operator para siguraduhin ang kaligtasan, kapakanan at pag asikaso sa pagpapalaya sa 4 na tripulanteng Pilipino.
Umaasa naman si Cacdac para sa agarang pagpapalaya ng mga Pinoy seaferers mula sa kanilang captors gaya ng nangyari sa parehong insidente 3 buwan na ang nakakalipas.
Ito ay ang pagsalakay ng houthi rebels sa Galaxy Leader commercial ship habang naglalayag sa southern Red sea noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Una rito kinubkob ng Islamic Revolutionary Guard Corps helicopter ang Portuguese-flagged MSC Aries at dinala ito sa katubigan ng Iran noong Sabado.
Nirentahan lamang umano ng MSC ang Aries mula sa Gortal Shipping na affiliate ng Zodiac Maritime na bahagyang pagmamay-ari ng negosyanteng Israeli na si Eyal Ofer.
May kaugnayan ang hakbang na ito ng Iran sa naging pag-atake ng Israel sa kanilang konsulada sa Syria.
Inakusahan naman ni Israeli Foreign Minister Israel Katz ang Iran ng piracy.