Nanatiling hindi pa tukoy ang pinaruruonan ng Apat (4) na Pilipino sa Myanmar matapos ang malakas na 7.7-magnitude na lindol noong Biyernes, Marso 28, ayon sa opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa isang panayam, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na dalawa sa mga nawawalang Pilipino ay isang mag-asawa, naninirahan ang mga ito sa gusaling gumuho dahil sa lindol.
Kinumpirma rin ng ahensya na ang lahat ng mga nawawalang Pilipino ay mga pawang propesyonal, kabilang ang mga guro at mga empleyado sa opisina.
‘Wala namang naiulat na Pilipinong nasaktan sa Thailand, kung saan naramdaman din ang malakas na pagyanig ng lindol.
Dagdag pa ni De Vega na humihingi narin ng tulong ang Myanmar sa ibang bansa dahil ngayong Linggo, Marso 30, umakyat na ang bilang ng mga nasawi sa higit 1,600 katao.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng Philippine Embassy sa Yangon na patuloy nilang isinasagawa ang welfare checks para sa mga apektadong Pilipino. Nagbigay din sila ng babala hinggil sa posibleng aftershocks at nagpahayag ng kanilang kahandaan na magbigay ng tulong at suporta.
Samanatala nagpa-plano ang embahada na magpadala ng team sa Mandalay para magsagawa ng on-the-ground assessment at direktang welfare checks. Magbibigay rin ang mga ito ng mga ayuda tulad ng mga pangunahing pangangailangan at posibleng ruta ng evacuation o repatriation.
Para sa mga emergency, maaaring tumawag sa Embahada sa pamamagitan ng Assistance-to-National hotline +95 998 521 0991 o sa official Philippine Embassy sa Myanmar Facebook Messenger.