KORONADAL CITY – Nasa apat na lalawigan na sa Socksargen Region ang apektado ng baha at landslide dahil sa walang humpay na buhos ng ulan dulot ng La Niña phenomenon.
Ito ang inihayag ni Ms. Joremae Balmediano, Information Officer ng OCD-12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, ang nabanggit na mga probinsiya at kinabibilangan ng North Cotabato, Saranggani , South Cotabato at Sultan Kudarat.
Isa na rin ang binawian ng buhay mula sa bayan ng Tampakan, South Cotabato na inanod sa kadagsagan ng malakas na tubig-baha habang isa ang sugatan na naitala sa Kidapawan City.
Daan-daang pamilya ang na-displaced at ilan sa mga ito ay nanatili sa mga evacuation center habang ang iba ay nasa kani-kanilang mga kamag-anak.
Maliban sa baha ay naitala din ang mga landslide sa ibat-ibang lugar kung saan may mga barangay na na-isolate ngunit agad din na nagawan ng paraan ng bawat LGU.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang assessment at validation ng Office of the Civil Defense Region 12 sa kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad sa mga apektadong lugar. Nabigyan na rin ng paunang tulong ang mga apketadong mga residente.