-- Advertisements --
image 245

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa apat na puganteng South Korean national sa Pilipinas na wanted sa kasong fraud at illegal gambling sa Seoul.

Nabatid na noong Pebrero 1, inaresto ng BI ang 39 anyos na si Chun Junghoon na inakusahan ng pagkakasangkot sa telecommunication fraud kung saan nakapangbiktima ito at nakakulimbat ng mahigit 3 million won o halos $3,000 sa pamamagitan ng voice phishing.

Si Chun ay nasa wanted list ng Bureau of Immigration mula pa noong 2020 nang ipag-utos ang deportation ng South korean national. Nag-isyu ng arrest warrnt ang Busan district court noong Enero ng 2020.

Noong Pebrero 4 naman, inaresto nang immigration personnel ang 44 anyos na South korean national na si Kim Jingsuk na wanted sa paglustay ng 367 million won o tinatayang $300,000 mula sa kaniyang employer sa pamamagitan ng iligal na pagbebenta ng 1,300 tonelada ng imported coal mula sa Russia.

Inaresto din ng mga awtoridad ang 34 anyos Park Geon Jin na naniniwalang miyembro ng voice phishing organization.

Nadakip naman noong Pebrero 8 ang 40 nyos na si Park Kyoungtae na wanted sa Busan dahil sa pag-operate ng gambling website simula noong 2020.

Ayon sa BI, ang apat na South Korean national ay ipapadeport dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien ng mga ito at ang pasaporte ng ilan sa kanila ay ni-revoke na ng kanilang gobyerno.

Ilalagay din sa blacklist ang mga ito upang hindi na sila makapasok pang muli sa ating bansa.