-- Advertisements --

Hinatulang guilty ng Caloocan Regional Trial Court Branch 121 ang 4 na pulis sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa mag-amang sina Luis at Gabriel Bonifacio sa kasagsagan ng Oplan Tokhang sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte noong Setyembre 2016.

Base sa desisyon ng korte, sinentensiyahan ang 4 na convicted na pulis na sina Pol. Master Sergeant Virgilio Cervantes at Police Corporals Arnel De Guzman, Johnston Alacre, at Artemio Saguros ng 6 na taon hanggang sa maximum na 10 taong pagkakakulong.

Pinagbabayad din ng korte ang mga ito ng P100,000 bawat isa para sa actual damages, moral damages, temperate damage, at civil indemnity na may interest na 6% kada taon mula sa petsa na ibinaba ang hatol hanggang sa mabayaran ng buo.

Orihinal na kinasuhan ng murder ang naturang mga pulis subalit ibinaba ito ng Office of the Ombudsman sa homicide.

Sa naging hatol, hindi kumbinsido ang korte sa depensa ng mga akusado na nagpaputok ang mag-amang Bonifacio na nag-udyok sa kanila na gumanti ng putok.

Sinabi din ng korte na mas kapani-paniwala ang testimonya ng biyuda ni Luis na si Mary Ann.

Sa naging testimoniya ni Mary Ann, isinalaysay nito na biglang pinasok ng naturang mga pulis ang kanilang bahay at tinutukan ng baril ang mga ito saka inutusan ang lahat maliban sa 2 biktima na bumaba at umalis.

Nakita rin daw niya na inutusan ng mga pulis ang kanyang asawa na lumuhod habang ang kanyang anak ay nagsusumamo para sa kanilang buhay.

Samantala, sinabi ng korte na hindi maaaring ikatwiran ng mga pulis na ang kanilang ginawa ay bilang self-defense o paggampan ng kanilang tungkulin dahil malinaw aniya na mayroong sabwatan at ito ay napatunayan.