-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa mabuti nang kalagayan ang apat na mga sundalo na nasugatan sa engkwentro laban sa mga miyembro ng New People’s Army sa Barangay Libas, Isabela, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Egberto Dacoscos, commander ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army, sakay sa military truck ang mga miyembro ng 94th Infantry Battalion nang sila ay pinasabugan ng improvised explosive device at binaril ng tinatayang limang mga miyembro ng NPA.

Tumagal ng 10 minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig bago tumakas ang mga miyembro ng komunistang grupo.

Narekober naman sa lugar ang mga gamit sa paggawa ng IED.

Ayon kay Dacoscos, maaaring may namatay sa mga NPA member dahil sa marka ng dugo sa encounter site.