Nakatanggap ng fake bomb threat ang 4 na battleground states sa kasagsagan ng 2024 US Presidential election nitong Martes, Nobiyembre 5.
Nagbunsod ito ng evacuations at pansamantalang pagkaantala ng pagboto sa ilang polling places sa 4 na swing states na Georgia, Michigan, Arizona at Wisconsin.
Kinumpirma naman ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na marami sa mga hoax bomb threats ay nagmula sa Russian email domains. Subalit ayon sa ahensiya wala sa mga bantang ito ang natukoy na credible o totoo.
Sa Georgia, ilang counties karamihan sa Fulton county sa may Atlanta na dominado ng Democrats ang pansamantalang nagsara ng polling sites matapos makatanggap ng mahigit 2 dosenang bomb threat. Matapos ang 30 minuto, ipinagpatuloy ang botohan matapos ma-clear ng mga awtoridad ang lugar at walang nakitang bomba. Humiling naman ang naturang county ng court order para palawigin ang voting hours sa lugar ng lagpas sa statewide deadline na 7pm, local time.
Sa kabila nito sinabi ni Georgia Secretary of State Brad Raffensperger, hindi mai-intimidate o matatakot ang estado ng Georgia sa naturang fake bomb threat at nagkamali aniya ang Russia sa pagpili sa Georgia para takutin.
Sinabi din ng top election official na ang mga bomb threat emails ay ipinadala sa county officials na nakasulat sa Cyrillic text.
Samantala, itinanggi naman ng Russian Embassy sa Washington ang naturang paratang na pakikialam ng Russia sa US elections bilang malicious slander.
Binigyang diin din ng Russian embassy ang nauna ng pahayag ni Russian President Vladimir Putin na kanilang nirerespeto ang ‘will’ ng mamamayan ng Amerika.
Matatandaan na nauna ng inakusahan ng US intelligence officials ang Russia ng pakikialam sa mga nakalipas na US presidential elections lalo na noong 2016 race kung saan nanalo si Donald Trump laban kay Democratic candidate Hillary Clinton.