(Update) Napigilan ang pag-atake ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kagabi sa Shariff Aguak, Maguindanao dahil apat na tangke ng militar ang sumalubong sa mga attackers.
Ayon kay 6th ID spokesperson Lt. Col. Anhouvic Atilano, target ng teroristang grupo ang patrol base ng 1st Mechanized Battalion ng Philippine Army sa Barangay Labo-labo, Shariff Aguak.
Pero dahil sa intelligence report na nakuha ng militar hinggil sa planong pagsalakay, agad sinalubong ng isang kompaniya mula sa 11th Mechanized Company gamit ang dalawang V-150 armored carriers at dalawang Simba tanks, dahilan para umatras ang mga kalaban.
Naniniwala ang militar na wala ng kakayahang maglunsad ng malawakang pag-atake ang mga terorista sa Central Mindanao.
Ito ay dahil pinalakas pa ng Philippine Army 6th Infantry Division ang kanilang military presense and interdiction laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiyah terrorists para mapigilan ang planong pag-atake.
Sinabi ni Atilano, in-placed ang kanilang mga tropa maging ang kanilang mga military capabilities na tutugon at reresponde sakaling tangkain ng mga teroristang salakayin ang isang lugar.
Sinisiguro rin ng militar na hindi makakapag-regroup o makapag-reinforce ang iba pang grupo sa mga attackers.
Nakaalerto ngayon ang militar sa Maguindanao lalo na ang mga kampo at detachment na target i-harass ng mga terorista.
Sa report ng AFP, nasa mahigit 100 na lamang ang mga local terrorist group na nag-o-operate sa lugar.
Mahigpit ding mino-monitor ngayon ng militar ang presensiya ng mga foreign terrorist sa lugar.
Wala rin silang na-monitor na may mga banyagang terorista ang kasa-kasama ng BIFF at Dawlah Islamiya nang salakayin nito ang Datu Piang at maging ang tangkang pag-atake kagabi sa Shariff Aguak.