LEGAZPI CITY – Patay ang apat na pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring engkwentro sa boundary ng Brgy Baras sa bayan ng Esperanza at Brgy Manlut-od sa Placer, Masbate.
Nagkapalitan ng putok sa loob ng halos isang oras ang tropa ng 2nd Infantry Batallion katuwang ang kapulisan laban sa nasa 20 armadong kalalakihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. John Paul Belleza, head ng 9th Division Public Affairs Office ng Philippine Army, nasa lugar ang tropa ng pamahalaan matapos makatanggap nang sumbong sa presensya ng mga armado.
Narekober sa nasabing insidente ang limang high-powered firearms, dalawang rocket-propelled grenade, hand grenade, anti-personnel mines at propaganda materials.
Dagdag pa ni Belleza, kinukumpirma pa ang impormasyon na may kasamang opisyal ng mga rebelde sa lugar ng mangyari ang engkwentro.
Ito na ang ikatlong insidente na may naitalang engkwentro sa lalawigan ngayong Disyembre.