Arestado ang apat na indibiwal sa isinagawang buy bust operations ng mga operatiba ng Quezon City Police District Drug Enforcement Unit sa may bahagi ng Timog Avenue, Quezon City.
Samu’t saring cocaine, liquid ecstasy, at party drugs, narekober sa apat na suspek.
Sa apat na suspek, tatlo ang babae at isang lalaki na nakuhanan ng P650,000 halaga ng party drugs na gagamitin umano para sa mga party sa bisperas ng Bagong Taon, Linggo, December 31,2017.
Kinilala ni Quezon City Police Director CSupt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Michael Franz Carag, Nina Recio, Sarah Sibayan, at Dianne Estrella.
Kabilang sa mga nasamsam sa kanila ang P300,000 halaga ng cocaine, P250,000 na ecstasy tablets at P100,000 na liquid ecstasy.
Sinabi ni Eleazar na matagal ng mino monitor ng kanilang DEU unit ang mga suspek matapos makakuha ng tip na tumanggap sila ng mga order ng droga na gagamitin umano sa mga party sa pagsalubong sa 2018.
Karamihan umano sa mga kustomer ng mga suspek ay mga may kaya sa buhay dahil mas mahal ang party drugs kesa sa shabu.
Tukoy na rin ng PNP ang supplier ng mga suspek at pinaghahanap na ito.
Pinuri naman ni Eleazar ang kaniyang mga tauhan sa pagkaka-aresto sa apat na suspek.