Nakapagtala ng 4 na panibagong volcanic earthquakes sa bulkang Kanlaon sa Negros Island kasunod ng 2 araw na pagtaas ng aktibidad sa naturang bulkan base sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa ahensiya, ito ay kalahati ng 8 volcanic quakes na naitala noong araw ng Huwebes at mas mababa naman kumpara sa 11 quakes na naobserbahan noong Miyerkules.
Humupa naman ang ibinugang asupre ng bulkan na nasa 3,189 tonelada noong Huwebes. Noong Sabado nga ng makapagtala ng pinakamataas na volume ng asupre na ibinuga ng bulkan ngayong taon na nasa 6,367 tonelada.
Samantala, nananatiling nakataas ang Alert level 2 sa bulkan kayat pinapayuhan ang publiko na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4 kilometer permanent danger zone ng bulkan gayundin ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.