-- Advertisements --

Ipinasara na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang aabot sa apat na establisyamento sa Divisoria Mall matapos magbenta ng mga produktong nakababastos umano sa soberanya ng Pilipinas.

Kaugnay ito ng “misrepresentation” ng ilang stalls sa pagbebenta ng beauty products na nagsasabing probinsya ng China ang kabisera ng bansa.

Pinangunahan ni Manila Director of Business Permit Levy Facundo ang operasyon kung saan kanilang pinaskilan ng mga “closure order” ang nasabing mga establisyamento.

Ayon kay Facundo, labag ito sa ordinansa ng lungsod.

Maliban dito, wala rin daw maipakitang approval ng Food and Drug Administration ang mga nasabing negosyo.

Hahanapan din ng mga karagdagang papeles at mayor’s permit ang mga ito.

“Ang Binondo po ay nasa Maynila, wala po sa Republic of China. Hindi tayo papayag na ganyan ang mangyari. Malaking insulto po ‘yan,” wika ni Facundo.