BACOLOD CITY – Nadakip na ang ilang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakasagupa ng mga sundalo sa Manjuyod, Negros Oriental nitong Hunyo 23 kung saan isa ang namatay at dalawa ang sugatan.
Nabatid na Linggo ng madaling araw, nakasagupa ng 79th Infantry Battalion ang mga rebelde sa Sitio Kambugtong, Barangay Bantolinao, Manjuyod kung saan namatay si Cpl. Leotor Cagape habang sugatan naman sina PFC Emanuel Paja at Private Denyl Reyes.
Alas-3:00 ng Biyernes ng madaling araw, naaresto ng 11th Infantry Battalion ang apat na NPA members sa Sitio Maraja, Brgy. Lamogong, Manjuyod.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Bacolod, nagsasagawa ng continued clearing operation at patrolling ang tropa ng militar nang namataan ang apat.
Nagtangka pang tumakas ang mga rebelde ngunit hinabol at nahuli ng mga sundalo.
Kabilang sa mga nahuli ang 35-anyos na babae na kinilalang si Rea Casido; Teodor Casido, 49; Danny Casido, 41, at Venancio Cadeliña, 60, pawang mga residente ng Barangay Lamogong.
Narekober sa pag-iingat ng mga rebelde ang 3 rifle grenade, 3 hand grenade, anim na 30 rounds at isang 20 rounds ng KG-9 magazines, 90 live ammunitions ng 9mm caliber at isang binocular, subversive documents kasama na ang ilang personal na mga gamit.
Sa ngayon, kulong ang mga ito sa Manjuyod Municipal Police Station at sasampahan ng kaukulang kaso.