BUTUAN CITY – Umakyat na sa apat na rebelding NPA ang napatay at maraming kagamitang pang-giyera ang narekober ng militar, matapos ang nangyaring sagupaan sa Brgy Cancavan, Carmen, Surigao del Sur.
Ito ay matapos binawian ng buhay ang dinala sa ospital na sugatang rebelde na nahuli sa nasabing sagupaan.
Nakilala itong si Gealan P Jimenez alyas Jareb, 24 anyos at residente ng Brgy Adlay, Carrascal, Surigao del Sur.
Kinumpirma rin ito sa nagpakilalang si Ka Sandara, tagapagsalita ng NPA.
Nakaharap sa pwersa ng 36th Infantry (Valor) Battalion, Philippine Army ang mahigit 10 armado na ilalim sa pamamahala ni Raul Alacre alyas Megan ng North Eastern Mindanao Regional Committee o NEMRC sa NPA.
Kaagad na nirespondehan ng militar ang report may kaugnayan sa presensya ng NPA na nagsasagawa umano ng extortion activity at nagbibigay banta sa taongbayan na humantong sa mahigit 15 minutong bakbakan.
Narekober naman ang limang high powered firearms na kinabibilangan ng tatlong AK47 at dalawang M16 rifle, 12 magazines ng AK-47, dalawang long magazines ng M16, 3 cellular phones, at mga live ammunition, personal na gamit at mga high valued documents.