VIGAN CITY – Hangad ng Philippine Pencak Silat Association na makakuha ng apat o higit pang gintong medalya sa pagsabak nila sa pitong events sa Southeast Asian Games (SEA Games) sa darating na November 30 hanggang December 11.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Celia Kiram na nais nilang mahigitan ang bilang ng mga medalyang nakuha ng mga pencak silat athletes noong nakalipas na SEA Games na isinagawa sa Malaysia.
Sa kabila nito, ayaw pa rin ni Kiram na magbigay ng kaniyang fearless forecast para sa magiging performance ng mga atletang sasabak sa SEA Games sa larangan ng nasabing sports.
Idinagdag ng PSC official na sa ngayon ay dumadaan na sa masusing pagsasanay ang atletang sasabak sa SEA Games upang mahasa pa ang kanilang galing at iba’t ibang technique sa larong pencak silat.
Magsisimula ang mga laro sa pencak silat sa December 1 hanggang December 5 sa Subic Convention Center.