Isinama na ang apat na prefectures ng Chiba, Kanagawa, Saitama at Osaka sa state of emergency ngayong Lunes dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases sa Japan.
Magtatagal hanggang August 31 ang state of emergency sa nasabing mga lugar habang ang nauna namang isinailalim sa emergency period sa Tokyo at Okinawa ay pinalawig din hanggang August 31.
Sa ilalim ng state of emergency, ang mga etablisyemento na nagbebenta ng alak o nag-aalok ng karaoke services ay hinikayat na suspendihin ang kanilang operasyon habang ang mga nagbebenta naman ng alak ay hinimok na magsara mula alas-8:00 ng gabi, oras sa Japan.
Magbibigay naman ang Japan government ng monetary compensation sa mga apektado ng state of emergency.
Base sa data na inilabas ng Health, Labor and Welfare Ministry, tumaas ng 18,927 ang bilang ng mga pasyente ng COVID-19 na sumasailalim sa home quarantine na 1.8 times na mas mataas kumpara sa nakalipas na linggo habang nasa 50% na mas mataas ang hospital bed occupancy rates sa Tokyo, Saitama, Ishikawa, at Okinawa prefectures.