Nakatakda nang ipa-deport ng Buraeu of Immigration ang apat pang banyagang sangkot sa mga serious crimes sa kani-kanilang mga bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga wanted na foreigners ay naaresto sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng Immigration Bureau sa Cavite at Makati City.
Ayon kay Bureua of Immigration-fugitive search unit acting chief Rendel Ryan Sy, isang Korean na may pangalang Lee Choong Ho, 63 ang naaresto sa Bacoor City.
Si Lee ay napaulat na subject ng arrest warrant na inisyu ng Daegu district court sa Korea dahil sa kanyang kasong extortion matapos mangingikil ng nasa 9.6 billion won na katumbas ng $7.4 million o nasa mahigit P35 million mula sa kanyang kababayan sa pamamagitan ng pananakot at karahasan.
Samantala, nitong Marso lamang nang maaresto rin ng operatiba ng fugitive search unit sa Amorsolo Drive, Makati City ang Taiwanese national na si Wu Jheng Long, 34-anyos na wanted sa district court sa Kaohsiung, Taiwan dahil umano sa pagiging miyembro nito ng sindikatong nagtitinda ng iligal na droga at sangkot din sa telecommunications fraud.
Sa parehong araw, naaresto rin ang dalawa pang Taiwanese nationals na kinilalang sina Chen Chien Ning, 53 at Yang Zong Bao, 31 sa Calumpang St. at Tamarind Road sa Makati City.
Naisyuhan daw si Chan ng arrest warrant ng district prosecutor’s office sa Chiayi, Taiwan matapos akusahang miyembro ng sindikatong nagbebenta ng iligal na droga at sangkot din sa telecom fraud at operations at kidnap for ransom activities.
Habang si Yang naman ay wanted sa district prosecutor’s office ng Kaohsiung, Taiwan dahil sa pagkakasangkot nito sa clandestine production ng illegal drugs.
Lumalabas na ang apat na banyaga ay mga undocumented aliens at naaresto matapos i-revoke ng kanilang mga gobyerno ang kanilang mga pasaporte.
Sa sandaling mapabalik ang mga banyaga sa kanilang mga bansa ay ilalagay na ang mga ito sa blacklist para hindi na makabalik pa sa Pilipinas.
Sinabi ni Tansingco na hindi raw nila hahayaang gamitin ang ating bansa na taguan ng mga wanted foreign criminals.
Sa ngayon, nakaditine na ang mga banyaga sa Bureau of Immigration detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportation.