KORONADAL CITY – Umabot na sa apat na indibidwal ang binawian ng buhay sap ag-araro ng Toyota Fortuner sa isang tricycle sa National Highway, Barangay Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni PLt.Col. Richelu Alucilja, hepe ng Isulan Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Alucilja ang mga nasawi na sina Roselyn S Ballero at partner nitong si Gilbert Sala Lanterna na kapwa residente ng Polomolok, South Cotabato; Arante Matignao, taga-Malungon, Saranggani at isang Joseph Cardiente.
Samantala, ang mga sugatan naman ay sina Lendo Mangulayan Batawan 51 years old, residente ng Magpet, North Cotabato at Kennedy Peñaredondo Santacera , 23-anyos, driver ng tricycle na residente ng Barangay D Lotilla, Isulan, Sultan Kudarat.
Lumabas sa imbestigasyon ng Isulan PNP na binabaybay ng nasabing tricycle ang National Highway mula sa Tacurong City papuntang Isulan, Sultan Kudarat nang pagdating sa harap ng Provincial Capitol at bigla na lamang itong inararo ng sumusunod na puting Toyota Fortuner na minamaneho ng isang PNP member na kinilalang si PCMS Jay Relox, naka-destino sa Sultan Kudarat Police Provincial Office at residente ng Tacurong City.
At dahil sa lakas ng impact ay tumilapon ang tricycle kasama ang driver at mga pasahero nito.
Dinala pa sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima ngunit binawian din ng buhay ang apat habang naga-survive naman ang driver at isa pang pasahero.
Hindi naman kinumpirma ng opisyal kung lasing nga ba ang suspek na driver ng SUV na boluntaryo naming sumuko matapos ang aksidente.
Sa ngayon, pinag-uusapan na umano ang amicable settlement sa dalawang panig.