BACOLOD CITY – Apat ang patay habang dalawa ang sugatan makaraang makabangga ng motorsiklo ang kotse na sinasakyan ng grupo na papunta sana sa isang albularyo sa Manapla, Negros Occidental.
Madaling-araw pa lang nang umalis sa bayan ng Isabela upang magpagamot sa Cadiz City sina Anabelle Estil, Rolinda Barte, Angeles Salmorin, Delia Abana, Dolores Granada at driver na si Froilan Samillano.
Pagdating ng mga ito sa Hacienda Fidel, Brgy. Tortosa, Manapla dakong alas-2:45 ng madaling araw, bumangga ang kotse sa nakaparadang motorsiklo kung saan nakaupo si Jeljuredi alias Pao-Pao Labrador, 15-anyos at residente ng nasabing lugar.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, inararo ng kotse ang motorsiklo kasama ang menor-de-edad bago ito bumangga sa gate ng isang bahay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCpt. Jaynick Bermudez, hepe ng Manapla Municipal Police Station, agad na dinala sa ospital ang mga biktima ngunit namatay ang 80-anyos na si Salmorin, kasama sina Abana, Granada at Labrador.
Ginagamot naman ngayon sa ospital sina Estil at Barte.
Samantala, galos lamang sa katawan ang tinamo ng driver na nakakulong ngayon sa Manapla Municipal Police Station at hindi pa makakausap dahil sa trauma.
Sa inisyal na pag-usisa ng mga pulis, nakaidlip ang driver.
Ayon sa driver, binayaran lamang sila ng mga pasahero upang magpahatid sa faith healer sa Cadiz City at ito na ang kanilang 3rd session upang gumaling sa karamdaman.