COTABATO CITY – Apat ang nasawi at tatlo ang malubhang nasugatan nang magpatupad ng search warrant ang pulisya at militar laban sa isang alkalde dakong alas-5:20 ng umaga kanina sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay P/Supt. Jimmy Daza, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-ARMM) na nagpatupad sila ng search warrant operation sa Barangay Saniag, Ampatuan, Maguindanao laban kay Mayor Rasul Sangki.
Nanlaban umano ang mga tauhan ni Sangki kaya sumiklab ang matinding palitan ng putok sa magkabilang panig.
Tumindi pa ang engkwentro nang magresponde ang mga armadong grupo na kapanalig ng alkalde.
Umatras ang mga armadong kalalakihan nang dumating ang dalawang MG-520 attack helicopters ng Philippine Air Force (PAF) nang tumulong sa ground force ng pulisya at pinagsanib na pwersa ng 57th at 19th IB.
Apat sa mga tauhan ni Sangki ang nasawi at tatlo ang nasugatan, kabilang na ang isang pulis.
Si Sangki ay kabilang sa mga tinaguriang narco-politician na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa ang search warrant operation ng mga otoridad sa grupo ni Sangki.