CEBU CITY – Halos hindi na makilala ang apat na pasaherong sakay sa isang van-for-Hire matapos nitong makabangga ang Ceres Bus sa Sitio Ipil-Ipil, Brgy. Estaca, bayan ng Compostela, Cebu nitong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Gil Dyrol Preciados, tinatayang nasa 40-anyos, isang seaman; Mark Abraham Villanca, 37, isang overseas Filipino worker; habang patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawa pang biktima.
Nasa ospital naman ang mga sugatan pang mga pasahero kasama na dito ang driver ng Ceres bus na si Jerry Lubon, 32; habang kritikal naman ang driver ng V-Hire na si Patrick Tolo, 20.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni PCpt. Vincent Zozobrado, hepe ng Compostela Cebu PNP, papuntang Cebu City ang V-Hire habang pa-northbound naman ang nasabing bus.
Aniya, nag-counterflow umano ang V-Hire at mabilis ang takbo kaya nabangga nito ang paparating din na bus.
Dahil sa malakas na impact ay halos nabalatan ang van kung saan ang front seat at passenger seat na lang ang naiwan.
Sa ngayon ay patuloy pa ang follow up investigation sa nangyaring insidente at kasong reckless imprudence resulting to homicide and physical injury at damage to property ang nakahandang isasampa ng pulisya.