Umakyat na sa apat ang patay, habang nasa 52 ang mga inaresto matapos ang paglusob ng mga supporters ni US President Donald Trump sa US Capitol kung saan nandoon ang Kongreso ng Amerika.
Ayon kay D.C. Police Chief Robert Contee kabilang sa mga namatay ay ang babaeng binaril ng U.S. Capitol Police, habang may dalawa ring lalaki ang nasawi at isa pang babae sa kahiwalay na lugar.
Iniulat din ng pulisya na umaabot sa 52 ang kanilang naaresto kasama ang 26 sa US Capitol grounds kung saan kabilang ang mga ito sa mga nanggulo at nagsagawa ng vandalism sa US Congress.
Umaabot din sa 14 na mga police officers mula sa Metropolitan Police Department ang sugatan.
Nakarekober din ang mga otoridad ng dalawang pipe bombs.
Samantala, sumali na rin ang FBI sa pagsasagawa ng imbestigasyon at paghahanap ng pagkakakilanlan sa mga nanggulo sa kilos protesta.
Liban sa magdamag na curfew ang D.C. mayor na si Muriel Bowser ay nag-anunsiyo rin ng 15-days na extension sa public emergency na magtatagal hanggang sa matapos ang January 20 inauguration nina President-elect Joe Biden at Vice President-elect Kamala Harris.
Una rito liban sa mga protesta sa Washington ng mga tagasuporta ni Trump, sinabayan din ito ng rally sa mga statehouses sa Oregon, Minnesota, Kansas, Georgia, Ohio, Iowa at New Mexico.
Sa kilos protesta sa Los Angeles apat katao ang inaresto doon.