BACOLOD CITY – Arestado na ng mga pulis ang suspek sa pagmasaker sa apat na magkakamag-anak kabilang ang isang batang babae sa bahay nga seaman sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub, lungsod ng Bacolod.
Itinatanggi naman ng suspek na may kinalaman siya sa karumal-dumal na krimen.
Una rito kaninang umaga, humiling si Jonel Nombre sa kanyang mga kapatid sa Barangay Banago, Bacolod City na bisitahan ang kanilang bahay sa Block 2, Lot 18, Gardenville Subdivision dahil tatlong araw nang hindi makontak ang cellphone ng kanyang live-in partner na si Jocelyn.
Pagdating ng mga kapatid sa bahay nina Nombre, tumambad sa mga ito ang katawan ni Jocelyn, kapatid na si Gemma Espinosa, pamangkin na si Michael at anak ni Michael na babae na anim na taong gulang pa lamang.
Ayon kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, ang bangkay nina Jocelyn at Michael ay nabalot sa kumot at kinaladkad palabas ng bahay.
Ginupitan pa ang buhok ni Jocelyn.
Ang bangkay naman ni Gemma ay natagpuan sa maliit na kubo sa tabi ng bahay habang ang bangkay ng batang babae ay nakahandusay sa sofa sa loob ng bahay.
Ayon sa hepe ng pulis, hinampas sa ulo ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Nasa advanced state of decomposition na ang mga bangkay kaya’t pinaniniwalaang nangyari ang krimen ilang araw na ang nakararaan at kaninang umaga lang nadiskubre.
Ang live-in partner na si Jonel Nombre ay nagtratrabaho sa inter-island na barko samantala ang misis naman ni Michael ay nagtratrabaho sa Saudi Arabia.