-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril-patay sa apat katao sa Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao.

Kinilala ni PMaj. Michael Tinio, hepe ng Datu Angal Midtimbang Municipal Police Station, ang mga biktima na sila Heredin Kanakan, 43; Fatima Manampen Usman, 40; Akmad Bagundang Mulod, 27; at Jho Kanakan, 25, pawang residente ng Brgy. Bulibod, bayan ng Sultan Kudarat sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Tinio, iniimbestigahan rin nila ang umano’y mga “dummy IDs” ng mga biktima matapos makita na ang isa sa mga ito ay taga-lungsod ng Koronadal ngunit sa pagkumpirma naman umano sa kanila ng pamilya ng mga biktima na lahat sila ay residente ng Maguindanao.

Kinukumpirma rin nila ngayon sa Philippine Army kung totoong Private First Class ang isa sa mga biktima.

Ang pinagtataka rin umano nila ay kung bakit pumasok sa nasabing liblib na lugar ang mga biktima kahit hindi ito mga residente ng lugar na kanila namang ikinaalarma.

Nakuha naman sa crime scene ang ilang pera at 13 pakete ng suspected shabu na humigit kumulang nasa anim na gramo.

Samantala, naka-heightened alert naman sa ngayon lugar lalo na sa entrance at exit points ng lugar.