-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Apat na mga lalaki ang nasunog matapos magliyab ang dalawang van na nagbanggaan sa Valladolid, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Wilfredo Benoman, hepe ng Valladolid Municipal Police Station, naganap ang head-on collision sa pakurbang daan sa Barangay Sagua Banwa, Valladolid, dakong alas-12:15 ng madaling-araw.

Kaagad na nagliyab ang dalawang van kaya’t hindi nakalabas ang kapwa driver at mga pahinante.

Humingi pa sana ng tulong ang apat ngunit hindi na naisalba dahil sa laki ng apoy.

Nagtagal ng mahigit apat na oras bago naretrieve ang bangkay kung saan kinailangan pa ng Bureau of Fire Protection ng cutter.

Ayon sa hepe, ang sakay sa wing van na may plaka na MZK 1767 na papunta sa north direction ay ang magkapatid na sina Wendel at Carlo Larios, residente ng Mabinay City, Negros Oriental.

Samantala, hindi pa rin natutukoy ang identity ng mga biktima na sakay sa van na may plaka na MHA 4613 na papunta sa Dumaguete City, Negros Oriental upang magdeliver ng produkto.

Sa ngayon, hindi pa madadaanan ang national highway dahil patuloy pa ang clearing operations.