Umakyat na sa walo ang kumpirmadong patay at umaabot sa 60 ang sugatan sa magkasundo na lindol na tumama sa Batanes.
Ang bilang ng walong nasawi ay kinumpirma ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad.
Batay naman sa nakuhang impormasyon ng Bombo Tuguegarao, kinilala ang mga casualties na sina Eva Valiente, 19; Fiona Valiente, 13; Genward Mina, 31; Teresita Gulaga, 76; Fausta Caan, 70; 5-day old baby Haisly Cheffe Naquita at isang Tito Asa, 80.
Una nang iniulat din ng PDRRMO at ni Mayor Raul De Sagon ng Itbayat, Batanes, ang pagdagdag ng mga namatay matapos tumama ang mas malakas na lindol kaninang ala-7:38 ng umaga na naitala sa 6.4 magnitude.
Kalaunan ay nagkaroon ng correction ang Phivolcs kung saan ito raw ay 5.9 magnitude.
Una rito naramdaman din ang 5.4 magnitude na lindol kaninang alas-4:16 ng madaling araw.
Ayon sa alkalde ang unang apat na casualties ay unang naitala kaninang madaling araw.
Sa ngayon ang mga residente ay nagtipon tipon muna sa mga plaza dahil sa mga aftershocks pa ring nararamdaman.
Sinabi pa ni Mayor De Sagon natutulog ang mga biktima nang matabunan sila matapos na gumuho ang kanilang bahay sa Brgy. Santa Maria.
Ayon kay De Sagon, kinukumpirma pa ang pangalan ng mga biktima dahil sa hirap silang makakuha ng mga impormasyon maging sa mga sugatan dahil sa iisa lang ang kanilang doktor.
Ang ilang mga sugatan ay dadalhin na rin sa Basco, Batanes makaraang iutos ni Gov. Marilou Cayco na i-airlift ang mga biktima dahil sa kakulangan ng pasilidad sa Itbayat.
Samantala, agad namang pinayapa ng Phivolcs ang mamamayan ng Batanes na walang banta ng tsunami sa magkakasunod na lindol. (with reports from Bombo Tuguegarao)