-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patay ang apat na indibidwal matapos mabangga ng pick up truck ang isang tricycle sa Crossing Bulobito-on, Barangay Miranda, Hinigaran, Negros Occidental kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Jake Barila, hepe ng Hinigaran Municipal Police Station, sinabi nito na mula sa timog na direksyon papuntang Sitio Bulobito-on ang tricycle na minamaneho ni Simeon Noblezada, 62-anyos.

Sakay nito ang tatlong mga pasahero na kinilalang sina Kent Tolido, Meldy Capillo, at Dena Espinosa, na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Mula rin sa timog na direksyon papunta namang Bacolod City ang pick up truck na minamaneho ni Christopher Antiqueno, 50 anyos, residente ng Stone Heaven Subdivision, Barangay Granada, Bacolod City.

Ayon sa hepe ng pulis, mabilis ang takbo ng pick up nang mag-overtake ito ngunit hindi nito napansin na lumiko sa kaliwa ang tricycle kaya’t kanyang nabangga.

Dahil sa lakas ng impact, kapwa namatay ang driver at tatlong pasahero ng tricycle.

Nasira rin ang isa pang tricycle na nakapark malapit sa lugar.

Wasak din ang harapang bahagi ng pick up ni Antiqueno.