BACOLOD CITY – Nag-iwan ng apat na kataong patay ang nagliyab na dalawang van na nagbanggaan sa Valladolid, Negros Occidental kaninang madaling-araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Wilfredo Benoman, hepe ng Valladolid Municipal Police Station, naganap ang head-on collision sa pakurbang daan sa Barangay Sagua Banwa, Valladolid, dakong alas-12:15 ng hatinggabi.
Kaagad na umapoy ang dalawang van kaya hindi nakalabas ang mga driver at pahinante.
Tinangka pang magpasaklolo ng apat ngunit mabilis nang lumaki ang apoy.
Nagtagal ng mahigit apat na oras bago na-retrieve ang bangkay kung saan kinailangan pang gumamit ng cutter ng Bureau of Fire Protection.
Ayon sa hepe, lulan ng wing van na may plakang MZK 1767 na papunta sa north direction, ay ang magkapatid na sina Wendel at Carlo Larios, residente ng Mabinay City, Negros Oriental.
Samantala, hindi pa natutukoy ang identity ng mga biktima na sakay ng van na may plakang MHA 4613 na papunta sa Dumaguete City, Negros Oriental upang mag-deliver ng produkto.
Sa ngayon, hindi pa madadaanan ang national highway dahil patuloy pa ang clearing operations.