-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang apat katao matapos paulanan ng bala sa Sitio Pocuaria, Zone-1 Bgy. Fabrica, Bula, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Orlando Baladad, asawa nitong nitong si Chuchi Baladad, Rodelio Pagtolon-an at Nathaniel Pagtolon-an.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na pasado alas-8:20 kagabi, habang nag-iinuman ang mga biktima nang dumating ang dalawang armadong lalaki.

Pinagbabaril ng mga ito ang mga biktima na agad namang itinakbo sa ospital ngunit idineklara na dead on arrival ng mga doktor matapos magtamo ng malalang mga tama sa katawan.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ang umaabot sa 32 piraso ng basyo ng bala mula sa caliber .45 at 9mm pistol.

Samantala, isa sa tinitingnang motibo sa pamamaril ay ang away sa negosyo.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad habang pinaghahanap na rin ang mga suspek na agad na tumakas matapos ang naturang krimen.