CEBU – Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Moalboal Fire Station ang nangyaring sunog sa isang pamamahay sa Barangay Walog Balabagon, Moalboal lalawigan ng Cebu na kumitil sa buhay ng apat na indibidwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay First Officer (FO1) Donberlette Toreda ng Moalboal Fire Station, kinilala nito ang mga biktima na sina Jonathan Mansuela (ama) 38 taong gulang; Rose Mansuela (ina) 38 taong gulang at ang dalawang anak nito na sina Jethro at Dyren.
Samantalang nag-iisang survivor sa naturang sunog si Jove John Mansuela na nakatira sa naturang bahay at nag-iisang natutulog sa kanyang kwarto.
Nagawa umano nitong makatakas nang sumiklab ang apoy, samantalang mahimbing naman ang pagkakatulog ng mag-anak na pumanaw.
Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang dahilan ng insidente ngunit lumabas sa inisyal na imbestigasyon na umabot sa P15,000 ang damage ng sunog na nasa first alarm.