GENERAL SANTOS CITY – Apat na piggeries dito sa lungsod ang namonitor ng City Veterinary Office na tigil-operasyon muna dahil sa banta ng African Swine Fever(ASF).
Ito’y kahit pa tiniyak ni Dr. Antonio Ephrem Marin, chief ng City Veterinary Office na ASF-free ang GenSan.
Sinabi nito sa Bombo Radyo GenSan na noong December 2019 pa nagsimulang tumigil sa pag-aalaga ng mga baboy ang naturang apat na piggeries simula ng pumutok ang kumpirmadong kaso ng ASF sa Davao Occidental.
Aniya, malaking dagok naman ngayon sa hog industry players ng lungsod ang lockdown na ipinatupad sa Cebu simula noong nakaraang linggo.
Inihayag ni Dr. Marin, bilang tugon sa banta ng ASF nagsasagawa sila ng profiling sa lahat ng existing na mga hog raisers bilang paghahanda sa maaaring mangyari sakaling pumasok ang ASF sa GenSan.
Sa ngayon may 19 pang piggeries ang nag-ooperate sa lungsod ngunit binibili na rin ng ibang piggeries ang mga baboy ng mga backyard raisers upang maiwasan ang banta ng kontaminasyon ng ASF.