LAOAG CITY – Nasagip ng mga kasapi ng Philippine Coast Guard na nakabase sa Brgy. Victoria sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte ang apat na Filipino crew matapos lumubog ang sinakyang ferry boat sa pagitan ng Batanes Island at bansang Taiwan.
Una rito, sinabi ni Lt. Commander Alexander Corpuz, commander ng Coast Guard Ilocos Norte na sinagip ng Motor Vessel Formento 2 ang apat na crew at nagpadala ng distress call sa Coast Guard District Northern Eastern Luzon ngunit hindi sila makapaglayag dahil sa malakas na alon ng dagat.
Dahil dito ipinasa nila ang impormasyon sa Coast Guard Northwestern Luzon at ang Coast Guard Ilocos Norte ang kumuha sa apat na Filipino crew dahil ang motor vessel ay dadaan ng Ilocos Norte.
Sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan ang apat na crew na sina Rene Fernandez, 58, residente ng 27F Basa St. Brgy. Paltoc, Quezon City; Ryan Parungaw y Jose, 27, residente ng Brgy. Ayusan, Sta. Lucia, Ilocos Sur; Raymund Cotiangco y Delos Reyes, 33, residente ng Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan at si Arnold Espanola, 42, residente ng 62B University Ave. Potrero, Malabon City.
Ayon kay Corpuz, kasama nila ang kapitan ng ferry boat na si Charlemagne Tambago ngunit hanggang ngayon ay nawawala.
Base sa imbestigasyon, lumubog ang barko na sinakyan nila dahil sa malalakas na alon sa gitna ng dagat at nagpaiwan ang kapitan habang tumalon sa dagat ang apat na crew.
Nagmula ang mga ito sa Busan Korea na may kargang dalawang backhoe na tutungo sana sa Cebu at didiretso sa Papua New Guinea.
Dagdag ni Corpuz na tatlong oras na palutang-lutang ang apat na crew sa gitna ng dagat matapos ang paglubog ng kanilang barko.