MANILA – Apat na estudyante mula sa iba’t-ibang campus ng Philippine Science High School (PSHS) ang pinag-aagawan ngayon para mag-aral sa ilang malalaking unibersidad sa ibang bansa.
Pare-parehong graduate ng Batch 2021 ang apat na estudyante, na kapwa rin inalokan ng scholarship grants.
Kabilang sa nakatanggap ng “full scholarship” si Edrian Paul Liao, na mula sa PSHS – Cagayan Valley campus.
Batay sa Facebook post ng PSHS System, enrolled na sa private research institution na Duke University sa North Carolina, USA si Liao.
Plano raw niyang tahakin ang kursong Mechanical Engineering, at kumuha ng certificate in Aerospace Engineering at minor in Computer Science.
Kabilang si Liao sa 11 estudyante, mula sa iba’t-ibang bansa, na nakatanggap ng Karsh International Scholarship Program.
“The scholarship grant shall cover the yearly expenses amounting to $82,000… it is a merit-based full scholarship for international students at Duke University,” ayon sa post.
Nakatakdang lumipad papuntang Amerika si Liao sa Agosto, na siya ring unang Pilipino na nakatanggap ng naturang scholarship grant.
Ayon kay Liao, alay niya sa kanyang ama na magsasaka ang tagumpay at oportunidad na makapag-aral sa ibang bansa.
“As an aspiring aerospace engineer, I also want to provide farmers with the microsatellites that could potentially aid in minimizing the harsh effects of these different phenomena. At least for this issue, I could be able to help and uplift the millions of farmers in the Philippines.”
Bukod sa Duke University, nakatanggap din ng admission offer sa Jacobs University sa Germany si Liao.
MINDANAO CAMPUS
Inalokan din ng “full scholarship grant” sa prestihiyosong Ivy League school na Yale University ang tubong Maguindanao na si Nathan Wayne Ariston.
Graduate ng PSHS – Central Mindanao campus si Ariston, na proud din bilang miyembro ng katutubong Teduray.
Kukuha ng kursong Physics si Ariston.
Minsan na siyang nag-uwi ng karangalan sa Pilipinas nang masungkit ang silver medal ng International Earth Science Olympiad sa South Korea, at bronze medal sa 2020 International Chemistry Olympiad na ginanap sa Turkey.
“The best way that I could give back to our country is through offering my soon-to-be expertise in STEM that I could acquire through this education grant to serve in whatever way I can the people immediately around, specifically in Maguindanao and the other Muslim Mindanao areas,” ani Ariston.
Bukod sa Yale, inalok din ng admission ang Pisay graduate sa Georgia Institute of Technology, University of California – Irvine, at Nanyang Technological University sa Singapore.
CALABARZON CAMPUS
Nakatanggap naman ng admission offer sa Yale University – National University of Singapore College si Maria Charisma Estrella para mag-aral ng Molecular Cellular and Developmental Biology.
Habang dual degree program na BS Biology at BS Biomolecular Engineering ang alok ng New York University, sa pamamagitan ng isang scholarship grant.
Nagtapos si Estrella sa PSHS – Calabarzon campus, at miyembro ng pioneer batch nito.
ILOCOS CAMPUS
Tatlong unibersidad naman ang nag-alok ng admission sa PSHS – Ilocos campus graduate na si Dominic Navarro.
Kabilang na rito ang Jacobs University sa Germany, na may scholarship grant offer, para sa kursong BS Mathematics.
May “Provost Scholarship” ding alok kay Navarro para sa kursong BS Actuarial Science sa Bentley University sa Amerika.
Habang direct admission sa BBA Actuarial Science program ng Wisconsin School of Business ang alok ng University of Wisconsin-Madison.