DAVAO CITY – Nanawagan ang Securities and Exchange Commission (SEC) Davao sa publiko na agad magsampa ng reklamo kung nabiktima ang mga ito sa mga online lending operators.
Ang pahayag ng SEC Davao ay may kaugnayan sa inilabas na dalawang cease and desist order laban sa 30 mga lending operators sa siyudad kung saan marami na ang nabiktima.
Ayon pa kay Atty. Katrina Jamilla Ponco-Estares, OIC ng SEC-Davao na nasa 30 mga lending operators online ang wala umanong primary at secondary permits.
Modus umano ng mga ito na magpapautang at kukunin ang buong impormasyon ng isang indibidwal at kung hindi agad makapagbayad, magsasagawa umano ito ng text brigade at ilalabas ang mga pangalan ng mga umutang.
Nalaman din ng SEC na hindi nakarehistro ang nasabing negosyo sa kanilang opisina.
Pinayuhan na lamang ng opisyal ang publiko na mas mabuting bisitahin ang kanilang website na (www.sec.gov.ph) para malaman kung ano ang mga lihitimong lending company na nakarehistro sa kanilang opisina.
Sa kasalukuyan, nasa halos 1,000 na umano ang nagreklamo laban sa mga online lending operators.