-- Advertisements --

Sinibak na sa pwesto ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang apat sa pitong police officers na tinukoy na sangkot umano sa illegal drug trade.

Tumanggi namang pangalanan ni Albayalde ang anim na police officers at ang isang pulis na hindi opisyal.

Sinabi ni Albayalde na ang mga opisyal na sinibak sa pwesto ay para bigyang daan ang isang malalimang imbestigasyon.

Batay sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pitong policemen ang kabilang dito kung saan apat ang opisyal at isang hindi opisyal na pawang nasa active service pa habang ang dalawa ay sinibak na sa serbisyo.

Dagdag pa ni PNP chief na sa apat na police officials isa rito ay nasa floating status habang ang mga opisyal na naka-assign sa Region 5 ay relieved na rin sa kanilang pwesto.

Pahayag pa ni Albayalde, pagkatanggap nila ng mga pangalan ng mga pulis na sangkot sa iligal na droga ay agad niya itong pina-relieve sa pwesto.

Sa ngayon pawang mga alegasyon pa lamang ang pagkakadawit sa mga opisyal kaya isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon para matukoy ang involvement ng mga nasabing opisyal.

Pagtiyak pa ni Albayalde, sa sandaling may makuhang ebidensiya laban sa mga police officials mahaharap ang mga ito sa summary hearing procedure.

Wala aniyang heneral sa apat na opisyal na sangkot sa illegal drugs kung saan ang pinakamataas na ranggo ay isang senior superintendent.

Sa ngayon nasa accounting and holding unit na ngayon ang limang PNP officials sa iligal na droga.

“A wala pong general diyan. Isa pong senior superintendent ang pinaka mataas diyan,” wika pa ni Albayalde.