-- Advertisements --

solda

Patay ang apat na Persons Deprived with Liberty (PDL) ng makipagbarilan sa mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dakong alas-6:50 ng umaga matapos magtangkang tumakas ang nasa 11 preso sa Liangga District Jail sa Surigao del Sur.

Ayon kay BJMP Spokesperson JCInsp, Xavier Solda, isang grupo ng PDL ng Liangga District Jail ang napigilang makatakas matapos mang agaw ng baril at manghostage ng jail guards.

Sinabi ni Solda, batay sa inisyal na report, naghahanda na upang maghain ng almusal ang mga duty personnel ng sunggaban ng 11 PDL ang isa sa mga duty na noon ay magbubukas sana ng gate ng selda para ipasok ang kanilang pagkain.

“Naoverpower nila yung duty na nagbubukas ng gate selda at nagawa nilang makalapit sa secondary date. Yung duty natin sa secondary gate ay nagawa pang magwarning shot subalit dahil na rin sa bilis ng mga pangyayari at dami ng sumugod sa kaniya, maging siya ay naoverpower din at naagaw ang baril nito”, pahayag ni BJMP Spokesperson Jail Chief Inspector Solda.

Agad namang rumesponde ang iba pang duty personnel na nagresulta sa palitan ng putok.

Sa nasabing palitan ng putok, apat na preso ang nasawi habang isang jail guard ang sugatan matapos saksakin ng isang PDL gamit ang isang improvised bladed weapon ng makipambuno ito sa grupo ng PDL na papatakas.

Sinabi ni Solda, ang mga nasawing PDL ay hinihinalang miyembro ng communist terrorist group na New Peoples Army (NPA) na nagawang makumbinsi ang iba pa upang isagawa ang nasabing pagtakas.

Tumagal ng walong minuto ang insidente.

Samantala, kaagad namang ipinagutos ni BJMP Chief Jail Director Allan Iral ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa insidente.

Kasalukuyan ng naka-red alert ngayon ang buong BJMP CARAGA.

“Nalulungkot man kami sa pangyayari, magsilbi sana itong babala sa ating mga PDL na nais gumawa ng panibagong paglabag sa batas”, dagdag pa ni Solda.

Siniguro ni Solda na hindi sila matitinag sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

“Magbabantay pa rin kami ng mabuti sa aming pasilidad at magsisilbi kami sa ating mga PDL sa abot ng aming makakaya upang matulungan natin sila sa kanilang pagbabagong buhay”, dagdag pa ng opisyal.