BUTUAN CITY – Naka-red alert ngayon ang buong Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Caraga matapos ang jail break sa bilangguan sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur.
Nakilala na ang apat na mga persons deprived of liberty (PDLs) at napatay nang magtangkang tumakas mula sa Lianga District Jail sa Surigao del Sur kahapon ng alas-6:30 ng umaga.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Xavier Solda, nang-agaw ng baril at nang-hostage ang 11 mga bilanggo nang pumasok sa kanilang selda ang duty personnel na naghatid sa kanila ng agahan.
Sinunggaban umano ito ng mga preso at agad namang rumisponde ang iba pang duty personnel na nagresulta na ng palitan ng putok na tumagal ng walong minuto.
Dito na napatay ang apat habang nasaksak naman ang isang BJMP personnel.
Kinilala ni Maj Johncel Barrameda, chief of police ng Lianga Municipal Station ang mga napatay na sina Saudi Tejero, residente ng Brgy. Huwangan; Daniel Gomez Atigan, 37, residente ng Brgy. San Agustin; Crisanto Montenola Eladia, 47, residente ng Brgy. Payasan; April Jun Gases Riasol, 33, residente ng P-5 Ganayon, parehong sakop sa bayan Lianga at Jobert Pontillo Ramos, 28, residente ng Brgy. Los Arcos, Prosperidad, Agusan del Sur.
Samantalang ang walo nilang mga kasamahan na ngayon ay balik kulungan na at nakilalang sina Rencho Laviña, Ariel Ronquillo, Maxon Lacia, Rommel Fernandez, Joebert Perez, Ronie Laurente, Roberto Lasta at Ariel Ronquillo.
Ayon sa inisyal na ulat, ang mga nasawing PDLs ay mga hinihinalang miyembro ng communist terrorist group na New People’s Army (NPA).