CAGAYAN DE ORO CITY – Agad pinawi ng Department of Health 10 ang pangamba ng publiko patungkol sa kumakalat na mga impormasyon na napasok na ng Nipah virus ang ilang mga pribadong paaralan ng Cagayan de Oro City sa Northern Mindanao.
Kasunod kasi ito sa kompirmasyon ni Cdeo City Health Office na maraming grade schoolers,junior at senior high students ang sunod-sunod na nahawaan ng lagnat kaya nagsipalabasan ng online class advisories para sa kaligtasan ng lahat.
Sa pagharap ni DoH 10 officer-in-charge Director IV Dra Ellenieta Gamolo sa local media,nilinaw nito na walang kahit isang case record ng virus na ito na naitala sa bansa.
Pagpapaliwanag pa ni Gamolo na ang mga iniinda na mga karamdaman ng mga apektadong mag-aaral at maging ilang mga guro ay ang tinawag na Influenza like illness o ILI lamang na talamak sa ilang bahagi ng bansa.
Bagamat nasa 75 percent mortality rate ang nasabing uri ng bayrus na unang lumitaw sa bansang Malaysia at Singapore taong 1998 subalit negatibo pa sa anumang kaso ang Pilipinas.
Magugunitang kabilang sa naglabas ng kanilang online class advisories ay ang grade school ng Xavier University;Liceo de Cagayan University,Lourdes College at Corpus Cristi School na dahil tinamaan ng ILI ang kanilang mga mag-aaral simula pa noong nakaraang linggo.