-- Advertisements --

Sinibak na sa pwesto ang apat na tiwaling pulis na naaresto ng PNP Counter-intelligence Task Force sa isang entrapment operations sa Pasay City kagabi.

Ayon kay Chief Supt. Rene Aspera, hepe ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na bukod sa apat na pulis, relieved na rin sa kaniyang pwesto ang chief of Police ng Makati na si Senior Supt. Dionisio Bartolome.

Kasamang nasibak sa pwesto ni Bartolome ang hepe ng Intelligence Division ng Makati Police na si CInsp. Oscar Pagulayan na siyang immediate supervisor ng apat na pulis na sina: PO2 Harley Garcera, PO2 Clarence Maynes, PO1 Tim Santos at PO1 Jeffrey Caniete.

Isinagawa ng CITF ang entrapment operations laban sa apat matapos na ireklamo nang umano’y biktimang negosyante na sapilitan dinukot sa kanyang bike shop at saka hiningan ng inisyal na P100,000.

Kung hindi umano makabayad sa balanseng hinihingi ay ipapapatay ang pamilya ng hindi pinangalanang biktima.

Naka kulong na ngayon sa PNP Counter-Intelligence Task Force National Headquarters sa Kampo Crame ang apat na tiwaling pulis habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga ito.