-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinisarmahan ang apat na pulis na nasangkot sa “hulidap” sa Gattaran, Cagayan matapos na ma-relieve sa kanilang puwesto sa Gattaran Police Station.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Ariel Quilang, officer-in-charge ng Cagayan Police Provincial Office, restricted sa Police Regional Office 2 ang apat na police na may ranggong sergeant at corporal habang sila ay isinasailalim sa karagdagang imbestigasyon.

Nagpasya aniya ang barangay kapitan na kanilang hinuli na sampahan ng kasong robbery ang apat na pulis bukod pa sa kakaharaping administrative case.

Aniya, inaalam na rin nila kung matagal nang ginagawa ng nahuling apat na pulis ang naturang iligal na aktibidad.

Nag ugat ang pagkakahuli sa naturang mga pulis matapos silang magsagawa ng entrapment operation ng kapitan ng barangay dahil sa pag-iingat umano ng hindi lisensiyadong baril.

Hindi umano idineklara ng mga pulis ang nasamsam sa nasabing barangay kapitan na motorsiklo, maging ang kanyang sapatos at ang nakuhang pera sa operasyon.