-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kinumpirma ni Police Corporal Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, na nahuli ang apat na miyembro ng Malay Police Station na naka-assign sa Boracay na gumagamit ng cellphone habang nasa duty.

Hindi naman nito direktang sinabi kung naglalaro ang mga ito ng patok na mobile legends (ML) nang mahuli sila mismo ni Deputy Regional Director for Administration na si Police Colonel Remos Zacarias Cañeso.

Aniya, mahigpit na ipinagbabawal sa mga police personnel ang paggamit ng cellphone habang nasa trabaho partikular kung naka-assign ang mga ito sa mataong lugar.

Iniiwasan kasi na baka may mangyaring krimen at wala ang pokus sa binabantayang lugar kung saan hindi agad marerespondehan ang insidente.

Dagdag pa ni P/Corporal Vega, nagkataon na ang deputy regional director for administration mismo ang nakakita sa apat na pulis kaya agad silang pinagreport sa regional office.

Layunin nito na mabigyan sila ng leksyon at isa na rito ang pagpagawa ng ibat’-ibang uri ng ehersisyo.