TUGUEGARAO CITY- Nasa kustodiya ng PNP Cagayan ang apat na pulis na may ranggong sergeant at corporal na nasangkot sa “hulidap” sa Gattaran, Cagayan.
Sinabi ni PCol.Ariel Quilang, OIC ng PNP Cagayan na sasampahan nila ng criminal case na robbery at administrative case at grave misconduct ang mga hindi pa pinangalanang pulis kung saan ang dalawa ay sergeant habang corporal naman ang dalawang iba pa.
Ayon kay Quilang, matapos na magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis laban sa isang kapitan ng barangay dahil sa pag-iingat umano ng hindi lisensiyadong baril ay hindi idineklara ng mga pulis ang mga nakuha sa kapitan na motorsiklo, ang kanyang sapatos at ang nakuhang pera.
Kasabay nito, inatasan ni Quilang ang PNP Gattaran na magsagawa ng patas na imbestigasyon sa nasabing insidente habang nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang investigation unit ng CPPO.