Nakitaan ng probable cause ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang apat na pulis na sangkot sa pag-kidnap at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na kahit anong sagot na ibinigay ng apat na pulis ay malakas ang mga ebidensiya laban sa mga ito.
Sinabi ni Triambulo na noong February 8 ibinigay ang summon kina SPO3 Ricky Sta Isabel, SPO4 Roy Villegas, PO2 Christopher Baldovino at PSupt. Rafael Dumlao at may 15 araw ang mga ito para sagutin ang mga charges laban sa kanila.
Noong January 20 isinagawa ang pre-charged investigation laban sa apat na pulis na involved sa Jee Ick Joo slay case kung saan may nakitang malakas na ebidensiya na nagtuturo sa mga sangkot.
Paliwanag ni Triambulo na matapos makapag sumite ang mga akusado ng kanilang sagot ay itatakda na rin ang pre-hearing conference kung saan magsusumite ang mga akusado ng kanilang mga counter evidence at maging ang kanilang mga testigo.
Dagdag pa nito na kung walang itatakdang clarificatory hearing ay may 15 araw din para magsumite ng kanilang position papers at dito na rin maglalabas na sila ng kanilang rekumendasyon.
Pahayag ni Triambulo na hindi matatapos ang buwan ng Marso ay makapaglabas na ang PNP-IAS ng rekumendasyon para sa apat na pulis na sangkot sa pagpatay sa Koreanong negosyante.
Sinampahan ng kasong grave misconduct sa PNP IAS sina Sta Isabel, Villegas, Valdovino at Supt. Rafael Dumlao.
Bukod sa apat na pulis may tinitignan pa ang IAS na mga pulis din na binanggit ni Ricky sa pagdinig sa senado na sangkot sa kaso.