-- Advertisements --

CEBU CITY – Mino-monitor ngayon ng Police Regional Office (PRO)-7 ang apat na pinaniniwalaang “pyramiding scheme” sa iba’t ibang bahagi ng Central Visayas.

Ito ang inihayag ni PRO-7 Regional Director, P/BGen. Debold Sinas ngunit hindi na muna nito pinangalanan ang mga nasabing kompanya.

Ayon kay Sinas, ito ngayon ang kanilang sinusundan at pagpupulungan kasama ang National Bureau of Investigation (NBI).

Aniya, may hindi bababa sa 10,000 katao na ang nakapag-invest sa mga nasabing pyramiding scheme at tinatayang tataas pa ang nasabing bilang nasa ngayon ay hindi pa nito maibigay ang aktwal na pagtataya.

Kung maalala, kahapon ay nagsagawa ng raid ang PRO-7 kasama ang NBI-7, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-7 at Anti-Cybercrime Group sa mga opisina ng ADA Farms Agriculture kung saan nakuha ng mga operatiba ang apat na mga computer, mga dokumento at iba pang ebidensya.

Sunod namang ni-raid ang opisina ng Organico Agriventures Inc., kung saan nakuha nila ang 167 na mga computer at iba pang mga dokumento, at pangatlo ang business venture ng Tagbilaran, Bohol kung saan walang nakuha ang mga operatiba dahil sa umano’y parang nilinis na ang opisina at inabandona.

Siniguro ni Sinas na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga pyramiding scheme hanggang sa wala ng maloko ang mga ito.

Kinumpirma rin ng direktor na nakapasok na ang Kabus Padatoon o KAPA sa probinsiya ng Bohol at sa Negros island.