-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kaagad na isinailalim sa Enchanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan ang apat na rebelde matapos na nagbalik-loob sa gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Lt. Jerry Mamburang, tagapagsalita ng 73rd Infantry Battalion Philippine Army na miyembro ang mga ito ng Guerilla Front 71 ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sinabi ng opisyal, nag-udyok sa mga NPA na sumuko dahil sa pambubugbog sa kanila ng kanilang lider na si Kumander Yoyong.

Aniya, nakaposisyon na ang mga sundalo sa pagkuha ng mga armas at granada na inilibing ng mga ito matapos ibinunyag ang lugar kung saan iniwan ang mga baril at pampasabog.

Sa kasalukuyan hindi muna pinangalanan ang nasabing NPA surenderees dahil nagpapatuloy ang pagproseso ng kanilang mga dokumento upang maisailalim sila sa assistance program ng pamahalaan.